Nung una tayong magkita 2 taon na ang nakararaan, hindi kita nagustuhan. Pano naman kasi, ang boring mo. Ang tahimik, ang ayos, ang linis. Eh sanay ako sa maingay at magulong Maynila. Para sa akin, para kang isang matandang mayamang masungit na laging nakapustura. Sa loob ng 3 araw na pamamalagi ko sa piling mo, ang nagustuhan ko lang, ang dami ng mapagpipiliang pagkain, ang chinatown, at ang sistema ng transportasyon mo. Ni ang pinagmamalaki mo ngang sentosa, hindi ko ikinatuwa eh. Natawa nga ako sa pinagmamalaki mong Palawan at Siloso beach. Ano ba yun, walang kabuhay-buhay. Wala sa kalingkingan ng (hindi ko alam kung ginagaya mong) Palawan sa Pilipinas.
Pero pagkalipas ng 2 taon, aba, pakiramdam ko gusto mong magpasikat sa akin. Binigyan mo ako ng pagkakataong mag-aral ng libre sa iyong pinagmamalaking unibersidad. Ginantihan mo ng kabutihan ang katarayan ko sa yo. At nagpapasalamat ako dun.
Paglapag ng eroplano ko, sinalubong mo ako ng makulimlim na langit. Umulan ka pa nga eh. Hindi ko alam kung gumaganti ka. Ilang araw pa ang lumipas, malamig pa rin ang pakikitungo mo sa akin. Lagi mong itinataon ang pag-ulan sa tuwing lalabas ako. Gumaganti ka nga!
Ngunit nang masimulan kong makita ang kagandahan mo, aba bumait ka na sa akin. At nalaman kong sadya ka lang palang moody. Sala sa init, sala sa lamig.
Sabi ng ibang mamamayan mo, isa kang bansang mahilig magpasikat. Hindi ko alam kung totoo pero so far, pinapabilib mo nga ako.
Naunawaan kong ang katahimikan mo at kaayusan ay isang paraan upang mapangalagaan mo hindi lamang ang mga mamamayan mo kundi pati na rin ang mga bisitang tumatapak sa lupain mo. Pati nga mga puti na galing sa kanluran, bilib sa yo eh. Ang ayos mo kasi. Ang mga propesor mo, ang gagaling! Laging handa pagpasok sa klase. Ang facilities mo, astig! Lahat ng kailangan ko, naibibigay mo. Minsan nga, pati yata hindi ko kailangan, binibigay mo pa rin eh. Baka masanay na ko sa pag-spoonfeed mo.
Naunawaan ko din na mabait ka naman pala. Nagsisilbi kang tahanan sa iba't ibang lahi na gustong magkaroon ng maayos at tahimik na pamumuhay. Kaya pala, halu-halo ang mamamayan mo. Sari-saring kulay, itsura, amoy at kultura. Punung-puno ka pala ng kultura.
Dati, akala ko para ka lang Fort. Yun pala, para kang pinaghalong Fort at probinsya. Meron ka ng lahat ng basic services pero ang mga mamamayan mo, pwede pa ring umuwi ng bahay ng may araw para makapaghapunan kasama ang pamilya.
Sa loob ng isang buwan, naging mabait ka naman sa akin. Wala naman akong naging problema sa iyo maliban sa mali-maling baba ko ng bus stop. Pero hindi mo kasalanan yun, ako ang may mali dun. O sige na nga, tayong 2 may mali dun. Yung mga driver mo kasi, kinakausap ako ng intsik eh hindi ko naman maintindihan.
Tsaka yung ibang mga lalaki mo ha. Nung isang araw, may nakatabi ako sa bus. Nananahimik ako tapos biglang sumigaw. Yun pala may muntik ng bumangga sa amin. Tapos nagsimula ng usapan. Eh hindi naman ako interesado. Tapos nung nalamang Pinay ako, tinanong agad kung gusto ko daw ng bagong kaibigan! Sinabihan ko ng no, its ok pero binibigay pa rin ang number. Turuan mo naman silang gumalang! Hindi porket may mga kababayan akong pumapatol sa mga mamamayan mo dala ng pangangailangan eh lahat kami ganun na din. Nakakasama yun ng loob ha!
O sya, mag-aaral pa ko. Para naman hindi sayang ang pagpapaaral mo sa akin. Basta, sana, maging maayos ang pakikitungo natin sa isa't isa. Huwag kang mag-alala, hindi ako magpapakarebelde dito. Nagrerebelde lang naman ako pag pinipilit akong sumunod sa hindi ko pinaniniwalaan eh. Pero ikaw, nakikita ko naman ang kahusayan at kabutihan mo, kaya promise, susunod ako sa yo.
Happy monthsary! Sana maging maayos ang mga susunod pa nating monthsary =)
Eto, kumakain ako ng paborito kong egg tart para ipagdiwang ang monthsary natin. At boring ka pa rin, walang libreng gravy ang manok mo sa KFC. Ok fine, titigil na ko =)