(http://guroako.blogspot.sg/2012_06_01_archive.html)
alam ng bawat pilipinong lumaki sa pilipinas na ang pagdating ng buwan ng agosto ay nangangahulugan ng pagpasok ng buwan ng wika. noong ako ay nasa elementarya, naaalala kong madalas ay may pagdiriwang na isinasagawa sa aming paaralan. kung anu-ano ang mga aktibidades na iyon, hindi ko na maalala. ngunit malinaw sa akin na bawat taon, isa ako sa mga may hawak ng gunting at gumugupit ng mga naglalakihang letrang ipapaskil sa entablado para sa pagputong ng korona para sa mga napiling ginoo at binibining buwan ng wika.
ngayong ako'y nasa ibayong dagat, ingles ang wikang aking ginagamit sa pagsusulat maging sa pakikipag-usap sa mga bagong kakilala at kaibigan. malaking tulong ang pagiging bihasa sa wikang ingles ngunit iba pa rin ang ginhawang (?) idinudulot ng pagsasalita ng sariling wika sa pakikipag-usap.
noong ako'y nasa kolehiyo, madali para sa akin ang pagsusulat ng sampung pahinang papel gamit ang wikang filipino. ngunit ngayon, nahihirapan ako sa aking ginagawa. ilang beses na akong sumangguni sa google translate para sa tatlong talatang sulatin! hindi ba ito isang kabalintunaan?
kaya ngayon, sa buwan ng agosto, tatangkain kong sa bawat sulating aking ilathala sa pahinang ito at sa facebook ay pawang filipino lamang. hindi ito pagtalikod sa wikang ingles ngunit isang pagsisikap na maibalik ang aking pagiging komportable sa pagsusulat sa wikang filipino. sana'y swertehin ako sa aking mithiin :)
No comments:
Post a Comment