Tomorrow, people will finally know the verdict on Erap’s plunder case. Erap confidently believes that based from surveys, people are behind him. Naniniwala ang tao na wala syang kasalanan. Some TV reports this morning featured some members of the opposition before who have jumped on the other side of the fence now. Tessie Aquino Oreta and Tito Sotto have shown what theyre really made up of. I don’t know what happened to Loren Legarda, never really looked up to her anyway. May paiyak iyak pa syang nalalaman. Senator Guingona is calling for the acquittal of Estrada saying that 6 years is enough for him to pay for his offenses. Others are looking at his age and his being kawawa.
Hay, what can I say. Malambot talaga ang puso ng Pilipino. Tsaka maikli ang memory. Paano pa magkakaroon ng hustisya sa bansang ito kung ganito lagi ang pananaw ng bawat isa? Patawarin ang nagkasala kasi nakakaawa. Patawarin ang nagnakaw kasi hindi lang naman sya ang nagnakaw. Lahat naman daw nagnanakaw. Normal lang daw sa mga opisyal ng gobyerno ang magnakaw. Pathetic! Eh di buwagin na lang ang DOJ. At ang mga abugado at kumukuha ng abugasya ay mag-nursing na lang!
But I really hope that tomorrow, Erap gets convicted. I don’t have any grand expectations that he’ll really suffer the way he should but I think that having a guilty verdict could at least gain the respect of the people on Sandiganbayan.
Anyway, i was rummaging through my 'baul ng kasaysayan' and i saw this piece i wrote for one of my Socio classes back in 2001. Thought its a good reminder for me and also for other people who would read this. Ganito pala ang pananaw ko 6 na taon na ang nakararaan. Its a long one though.
============
Pagkatapos ng mga naging pagsama ko sa pagkilos noong nakaraang taon, masyado akong nasanay sa bakasyon. Kaya pagbalik ko sa unibersidad galing sa Christmas break, natambakan ako ng Gawain. Layunin ko na sanang asikasuhin muna ang pag-aaral ko. Kaya noong Enero 15, nang may isinagawa uling pagkilos ang mga estudyante, hindi ako sumama. Ito ay hindi dahil ayoko nang maghirap kundi dahil mas kailangan kong bigyan ng atensyon ang aking pag-aaral.
Tapos noong Enero 16 nga, nagpunta ako sa Film Center para sa Orapronobis at doon ko muling napagtanto pagkakita ko sa mga aktibista na hindi dapat ako mapagod sa ipinaglalaban ko. Akmang-akma ang pagpapalabas ng Orapronobis dahil ito ay isang pelikulang nagpapakita ng mga hindi madalas Makita ng mga tao lalo na kapag medyo “maayos” na ang politikal na sitwasyon sa lipunan.
Puno ang sinehan. Bago magsimula ang pagpapalabas ng pelikula, nagsalita muna ang ilang grupo ng mga aktibista upang paigtingin ang kampanya sa pagpapatalsik kay Erap. Kahit na natagalan pa ang pagsisimula ng palabas, nagging maganda naman ang pagtanggap ng mga manonood. Malakas ang hiyawan at palakpakan pagkatapos ng mga pananalita at sumasali ang mga manonood sa mha “chant”. Parang nakikita ko tuloy ang positibong pagtanggap ng mga estudyante sa mga hamon para sa pagkilos. Binibigyan nila ng daan ang mga pagmumulat sa kanilang kalagayan at sa pangangailangang maging mapagbantay pa sa mga sumusunod pang mangyayari.
Natapos ang palabas banding 9 ng gabi. May panawagan pa ang STAND UP para sa isang educational discussion ukol sa mga isyung kinakaharap ng sambayanan ng mga panahong iyon ngunit hindi na ako dumalo. Minabuti kong umuwi na lamang (pagkatapos kong makita si Ely Buendia na nasa pintuan ng FC). Umuwi akong walang kamalay-malay na magaganap na ang isang pangyayaring makapagbabago sa kasaysayan ng bayan ko at maaaring sa kinabukasan ko.
Nakarating ako sa bahay bago mag ika-10 ng gabi. Tulad ng nakasanayan ko na sa mga nakaraang gabi, matamang nanonood ng telebisyon si Ate. Nagdedebate na daw kung bubuksan ba ang pangalawang envelope na naglalaman umano ng mgamabibigat naebidensya na magpapatunay sa pagkakasala ni Erap, o hindi. Isinusulat nya ang mga argumento ng mga senador at kung sino ang mukhang boboto para o laban sa pagbubukas ng pangalawang envelope.
Pagkatapos nga ng debate at ng napagkasunduang nominal voting ay nagtanong pa si Sen. Legarda kung wala na bang paraan para huwag matuloy ang nominal voting at hayaan na lamang ang nakaupong hukom upang sya na lang ang magdesisyon. Nang sumagot si Justice Davide na wala ng ibang paraan sa pagbawi sa desisyong nominal voting maliban na lamang kung babawiin ni Sen. Tatad ang inihain nyang panukala. Naisip ko na mas mabuti na nga siguro kung itutuloy na lamang ang nominal voting at nang sa gayon at makikita ko kung sino ang mga senador na naglalayong maghanap ng katotohanan at hindi magpapairal ng kanilang personal na interes.
Itinuloy nga ang nominal voting. Pinipilit namin ni Ate na alamin kung sino ang bumoto ng yes at no ngunit hindi naming magawa dahil hindi naming marinig ang sagot ng iba. Ngunit sa tantya ko, parang mas madami akong narinig na bumoto ng yes kaya masaya na ako at positibo ang pag-aakalang mabubuksan ang envelope. Ngunit pagdating kay Sen. Pimentel, nanlumo ako. Nanlumo ako dahil mas madami ang bilang ng bumoto ng no at kahit na bumoto pa sya ng yes ay wala na itong epekto sa desisyon. Nang ipahayag nya ang kanyang pagbibitiw ay hindi ko alam kung ano ang eksaktong nararamdaman ko. Humahanga ako sa kanya dahik sa kanyang paninindigan. Nanghinayang at natakot ako dahil alam kong sa pagbibitiw nyang iyon ay mawawalan na ng kredibilidad ang korte para sa inaakala kong pagpapatuloy pa ng paglilitis. Iniisip ko kung paano tatanggapin ng mga tao ang desisyong ito. Nagalit ako at nawalan ng pag-asa sa mga nakikita kong uri ng nakakaraming tao mayroon ang senado. Iniisip ko ang siguradong pagkatalo ng mamamayan sa labang ito dahil kung paghahanap pa lamang ng katotohanan ay ganito na ang kanilang ugalo, paano pa kaya sa panahon ng pagbibigay ng desisyon sa kaso ng taong bayan laban kay Erap?
Naiyak ako ng niyakap ni Drilon si Pimentel. Pinanindigan ako ng balahibo nang magtayuan at magwalk-out ang mga private prosecutor at mga tao sa gallery. Nahiya ako nang makita kong sumasayaw si Tessie Aquino-Oreta at parang batang nang-aaway at nang-aasar sa mga tao at higit sa lahat, nagduda na baka si Erap ang kinakausap nina Coseteng, Honasan at Enrile sa telepono at ibinabalita ang nangyayari. At pagkatapos nga ng proceedings, nagkaroon ng press conference at ditto sinabi ni Cong. Arroyo na ang ikinatatakot nya ngayon ay ang pagpunta ng tao sa lansangan upang makamit ang katarungan. Sa tinuran niyang ito, dito ko ulit nadama ang pangangailangan para sa pagsasagawa ng pagkilos sa lansangan upang marining ng mga nagbibingi-bingihan ang boses ng sambayanan.
Kinabukasan, Enero 17, ay nagising ako ng maaga dahil hindi rin naman ako nakatulog ng maayos ng nakaraang gabi. Ipinakita sa TV na may mga tao na sa EDSA at nagulat ako na ang Mendiola, kilalang balwarte ng mga kilos protesta laban sa pamahalaan ay naookupahan na ng mga tagasuporta ni Erap. Gayunpaman, nakakatuwang isipin na ang mga tao ay gagalaw naman pala ng kusa oras na malaman nilang hindi sugurado ang mangyayari sa kanilangkinabukasan,
At dahil Miyerkules nga at walang pasok, hindi ko naisip na pumunta ng UP at makibalita sa mga gagawing aksyon ng mga organisasyon at ng buong unibersidad. Pumunta ako ng Philcoa upang makipagkita sa aking 2 kagrupo at isagawa an gaming planong pananaliksik. Natawa pa ako nang makita kong pareho silang nakaitim. Ang hindi ko alam, may kumakalat na palang mensahe sa telepono ukol sa pagsusuot ng itim bilang simbolo ng pagkamatay ng demokrasya at hustisya sa ating bansa.
Bandang 8:30 ng tumungo kami ng mga kagrupo ko sa NEDA upang mangalap ng datos para sa aming isinasagawang pananaliksik. At dahil nga ang NEDA ay nasa Ortigas Center, nadaanan naming ang EDSA Shrine. May mga tao na doon ngunit kaunti pa lamang. Sa tingin ko ay nakalalamang pa ang bilang ng mga pulis na nagbabantay sa lugar. Sa NEDA naman, pinag-uusapan din ng mga empleyado ang pangyayari kinagabihan. May mga empleyadong hindi ko alam kung seryoso sa kanilang sinasabing pagpunta sa Mendiola habang ang iba naman ay nagsabing magtutungo sa EDSA. Bandang ika 12 na ng tanghali nang umalis kami sa NEDA at planong kumain muna at pag-usapan an gaming gagawin kinahapunan. Nauna kasi ditto ay may nakatakda kaming kakapanayamin sa Makati na magbibigay sa amin ng pagpapaliwanang ukol sa mga konsepto at magpapaliwanang sa mga kalakaran na makakatulong sa aming pananaliksik. Ngunit pagsakay naming sa taxi, narinig naming sa radio na pinakikinggan ng driver na muli na naming nagwalk-out ang mga traders sa PSE kaya nahikayat kaming pumunta agad ng EDSA pagkatapos naming kumain. At ang kagandahan nito, nalaman naming ang taong amin palang kakapanayamin ay papunta din pala ng EDSA.
Pagdating namin sa EDSA Shrine ng bandang ika-1 ng hapon ay marami ng tao sa lugar at may isinasagawa ng misa. Kapansin-pansin na karamihan sa mga taong nandito ngayon ay naka-uniporme at hindi masyadong nakikita ang mga aktibista na madalas kong makita sa Mendiola. Marami in akong nakitang nagtitinda ng pins, stickers, t-shirts, etc sa mga sidewalk at ito ay dinadagsa ng mga tao.
Nakita ko dito ang papel ng mga simbolo. Ang pangangailangan ng mga tao na ipakita ang kani-kanilang pakikiisa sa pamamagitan ng pisikal na pakikiisa at paggamit ng mga simbolong nagpapahayag ng kanilang layunin. Nanatili kami sa lugar at nakita naming ang pagdating ng mga tao,
Pagkagat ng dilim ay nagtanghal sina Jon Santos at Tessie Tomas upang pasayahin naman ang mga tao at pawiin ang pagod ng mga ito. Ginamit nila sa pagpapatawa ang panggagaya sa ibang mga senador na bumoto ng no lalo na si Miriam.
Bandang ika-9 na ng gabi nang umalis kami sa lugar na sya namang pagdating dito ni Bong Revilla. Matindi ang pagpapakita ng negatibong pagtanggap sa kanya sa pamamagitan ng mga sigaw ngunit hindi namin naobserbahan ang mga sumunod na pangyayari. Habang naglalakad kami ng isa kong kagrupo papunta sa MRT Ortigas Station ay marami din naman ang naglalakad papunta sa Shrine. Nakakatuwang isipin na ang mga taong ito ay gusto ring makiisa sa paghubog ng kasaysayan at kinabukasan ng bansa.
Enero 19, pangalawang araw ng malakihang pagtitipon sa EDSA ay pumasok pa ako. May klase pa ako sa dalawa kong klaseng pang-umaga kahit marami sa mga classroom ay wala ng laman. Pagkatapos ng klase ko ng 11 ay dumiretso na ako sa Admin kung saan nagtipon ang mga estudyante, kaguruan at kawani ng unibersidad. Pinakamahalaga kong nakita sa pagtitipong ito ay ang matagal nang hinihintay ng mga estudyantena pahayag ni Pang. Nemenzo ukol sa isyu. Dito ko nakita ang kapangyarihan ng estudyante, na kailangan lang talaga naming magsalira at ipaglaban ang aming karapatan at tiyak na makakatanggap kami ng suporta mula sa administrasyon. At pagkatapos nga ng maikling programa sa Admin at matapos awitin ang UP Naming Mahal ay tumulak na ang sangkaUPihan papuntang EDSA Shrine.
At sinimulan nga ang mahaba, nakakapagod ngunit masayang lakaran. Masigla ang mga tao, malakas ang sigawan at kita naman ang positibong reaksyon paglabas ng kampus sa pagbusina ng mga sasakyan. Pagdating naman sa East Avenue kung saan maraming matatagpuang mga opisina ng gobyerno, ang sigaw naman ay patungkol sa mga empleyado at pag-udyok sa mga itong sumama na sa pagkilos. Sa mga nadadaanan naman naming sa kalsada, maraming kumakaway at marami ring sumasama. Kahit na nakakapagod ang maglakad-takbo, mukha namang hindi nabawasan an gaming bilang nang makarating kami sa Shrine. Isa ngang paraan kapag medyo napapagod na ako at gusto ko ng sumuko at magMRT ay ang pagtingin sa likuran ko. Isang tingin pa lang sa dami ng mga kasama ay naiibsan na ang pagod ko. Pagdating sa Shrine ay damang dama ko ang aking pagiging isang Iskolar ng Bayan. Nandito ako, nakiisa sa laban ng mamamayan habang isinisigaw ang Unibersidad ng Pilipinas na parang nasa UAAP. Ang sarap sumigaw! Ang gaan ng pakiramdam lalo na at alam kong kaisa ako sa laban ng mga mamamayang nagpapaaral sa akin.
Mga ika-4 na siguro ng hapon nang mananghalian kami ng mga kasama ko sa kalapit na Galleria. Kitang-kita sa dami ng tao ang kawalang talo ng kapitalismo kahit na sa mga ganitong pagkakataon. Halos karamihan ng tao sa loob ay mukhang galing sa rally at sumaglit lang sandali upang katulad namin ay magkalaman din ang tyan. Ang iba ay mukhang nagpunta doon para sa tawag ng kalikasan habang ang iba ay upang magpahinga at magpalamig.
Pagbalik namin sa Shrine mga bandang 5:30 ay napakarami na ng tao at mahirap nang pumagitna. Kapansin-pansin na karamihan sa mga kasama sa pagkilos na ito ay mga estudyante. Halos karamihan ay mga mukhang mayaman. Nakakatuwa ding pagmasdan ang mga taong walang kyemeng sumisigaw ng “bading” at “pok pok” kahit katabi pa ang mga madre at pari. Nakakaliberate din ang pakiramdam habang nakikiisa ako sa pasigaw na nagmumura kahit na mismong ang mga taong simbahan ang nasa paligid. Lumulutang ang pagpapahalaga ng mga tao sa nagkakaisang layuning at isinasantabi muna ang mga personal na kagustuhan at paniniwala na maaaring makahadlang sa kolektibong kagustuhan.
Madilim na ng magpahayag ang Philippine Collegian na hinihingi sa mga estudyante ng UP na iboykot ang mga klase hanggang hindi pa bumababa si Erap. Bilang isang kabataan, syempre natuwa ako sa balita dahil nangangahulugan ito ng pagbitaw muna sa mga gawaing pampaaralan. Ngunit bilang isang estudyante at mamamayan, iniisip ko din kung ano ang mangyayari? Kahit na sabihing pasado ako sa lahat ng aking asignatura, hindi ko yata gusto na wala naman akong masyadong “matututunan” mula sa mga ito. Nakakabahalang isipin na mabubuhay ako ngayon at ang buong sambayanan nang walang kasiguruhan kung ano ang dapat na asahan para sa kinabukasan. Paano kung hindi sya bumaba? Ibig bang sabihin hindi ko na mararanasang maging isang estudyante ulit? Ngunit ang pinakamahalangang naidulot ng pahayag na ito ng Kulê ay naitanong ko sa sarili ko kung hanggang saan ang kaya kong ibigay para sa bayan ko. Ang pagsali ko sa mga pagkilos ay hindi simpleng “pakikiisa” lamang kundi pagpapakita ng isang mas mabigat na ipinaglalaban.
Bandang ika-10 na nang gabi nang magpasya kaming umuwi ng mga kasama ko. Dahil sa dami ng tao, kung gaano kahirap ang makipagsiksikan upang makapasok, ganoon din kahirap ang pakikipagsiksikan upang makalabas. Nakakahilong pagmasdan ang dami ng tao. Pag-uwi ko sa bahay ay saka ko naramdaman ang pagod sa buong maghapon. Bilib na bilib nga ako sa sarili ko dahil nagawa kong lakarin ang 15 kilometrong distansya mula UP hanggang EDSA Shrine.
Kinabukasan, Enero 19 ay iba na talaga ang simoy ng hangin sa UP. Marami ng nakadikit na poster ng Philippine Collegian, wala ng laman ang mga classroom, at halos lahat ng tao ay nasa AS lobby na. Iniisip ko tuloy kung ganito din kaya ang nagging kalagayan ng UP noong panahon ng FQS kung walang kaguluhang naganap? Halatang handa na ang mga estudyante sa hindi pagpasok sa unibersidad at paglulunsad ng edukasyon sa lansangan. Pati ang isa kong propesor ay handa na ring hindi magsagawa ng klase sa classroom dahil hinihingi ng pagkakataon.
Masayang isipin na marami pa ring sumama sa pagkilos kahit na nasubukan na ang pagod na nadama kahapon. Ngunit halata din namang pagod na ang mga tao dahil hindi na masyadong sumisigaw ang mga ito habang naglalakad. At ako at ang kasama ko ay nagpaplanong magMRT dahil sa pag-iisip na hindi ko na kakayanin pang maglakad ulit ng 15 kilometro. Ngunit dahil na rin sa nakikitang pagiging masigasig ng mga kapwa ko tigaUP, minabuti na lang naming sumama sa paglalakad dahil nahihiya kami sa sarili namin. Makikita ang bigat ng ipinaglalaban ng buong komunidad dahil kahit pagod na ay handa pa ring magsakripisyo at maglakad muli mula UP hanggang EDSA Shrine kahit pwede namang sumakay.
Pagdating namin sa Shrine ay sobrang dami na ng tao. Hindi na kaya pang sumiksik ng komunidad ng UP sa ibaba kaya nahati ito. Ang iba ay umakyat sa flyover habang ang iba ay nakipagsiksikan pa rin sa ibaba. Pagdating sa lugar ay agad kaming tumungo ng mga kasama ko sa Galleria upang kumain ng tanghalian.
Pagkatapos kumain ay bumalik kami sa Shrine. Gusto sana naming pumunta sa gitna sa tapat ng entablado ngunit hindi kami makasiksik kaya minabuti na lang naming umakyat ng flyover at doon na lamang manood. Habang nasa itaas kami, bukod sa panonood, tumutulong din kami sa pagsaboy ng confetti at pagbabato ng pagkain sa mga nasa ibaba. Kahit hindi naming kilala yung pinagkukunan namin ng confetti at pagkain, patuloy pa rin kami sa pagtulong sa mga ito. Sa kahit na maliit na bagay lang kung tutuusin ang ginawa naming ito, nadama ko rin dito ang pagkakaisa at pakikiisa ng mga tao. Nawalan na ng konsepto ng “ako”, ng “grupo ko” at ang mga ito ay napalitan na ng tayo.
Hindi ko sigurado kung bandang 5 ba or 6 nang dumating sina Orly Mercado, Angie Reyes at iba pang mga pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Noong una ay cynical ako sa ginawang ito ng AFP pero naisip ko rin na baka matapos na ito. Sabi ko nga sa kasama ko, baka magkaroon na ng klase sa Lunes pero sabi naman nya ay hindi pwede at kailangan pa raw ng coup d’etat. Napapabalita na rin ang planong pagpunta sa Mendiola ng mga tao upang mas mapadali daw ang pagbaba ni Erap.
Umuwi kami ng maaga ng kasama ko, mga bandang 8 pa lang. Plano naming huwag munang pumunta sa Sabado at Linggo upang maihanda namin an gaming mga sarili para sa pagpapatuloy ng pagkilos sa Lunes. Handa na rin kaming pumunta sa Mendiola kapag nagkataon kahit na takot na takot kami at baka magkagulo. Pagkababa naming sa flyover sa bandang EDSA, walang northbound na bus. Ang kasama ko ay tiga-Pasig lang kaya malapit lang ang kanyang lalakarin ngunit ako na tiga-Cubao ay kailangan uling maglakad ng malayo para makauwi. Gayunpaman, kahit nag-iisa ako ay hindi naman ako natakot dahil maraming taong naglalakad sa EDSA. Gusto ko ng maiyak sa pagod pero pag iniisip ko ang dahilan ng pagsasakripisyo ko at ng marami sa atin, nabubuhayan muli ako ng loob.
Pagdating ko sabahay, nagpahinga lang ako sandali at pagkatapos kumain ay agad na tumutok sa telebisyon. Pero dahil na rin siguro sa pagod, nakatulugan ko na ang panonood. Nagising ako bandang 3 ng madaling araw at mayroon na nga raw nagaganap na negosasyon sa pagitan ng grupo ni GMA at ni Erap. Bandang ika-6 ng umaga nang ipakita sa TV ang mga grupong papunta sa Mendiola. Nainggit ako at inisip ko na sana nandoon din ako dahil ito na ang pinaka-climax ng pagkilos. Ilang oras lang pagkaalis ng mga grupong nagpunta sa Mendiola ay muli na namang nagbalik sa dati ang bulang ng taong nasa EDSA. Ito ay dahil na rin sa panawagan ni Cardinal Sin na magpunta sa EDSA ang mga tao upang maging saksi sa gagawing panunumpa ni GMA bilang Pangulo. Bandang alas-12 na siguro nang tanghali nang maagaw ng mga grupong galing sa EDSA ang Mendiola mula sa mga pro-Erap. Mabuti naman at walang malaking kaguluhang nangyari maliban sa isang nabugbog dahil sa panggugulo umano nito.
Ganap nang 2:20 ng hapon nang ipakita sa TV ang paalis sa Malacanang na si Erap kasama ang kanyang pamilya at mga malalapit nakaibigan. Tawang tawa ako sa itsura ni JV na humahagulgol na parang bata. Napansin ko din ang tila maaliwalas na mukha ni Loi habang sina Jackie at Jinggoy naman ay hindi mapigilan ang pag-iyak. Halatang-halata naman sa mukha ni Erap ang bigat ng kanyang dinadala. Kung titingnan sa kabuuan, mukhang nakakaawa nga naman ang buong pamilya. Ngunit para sa akin, hindi sila karapat-dapat na kaawaan lalo na si Erap dahil sa kanyang ginawa sa sambayanang Pilipino. Nakakainis at nakakagalit pa nga silang panoorin habang pauwi sa kanilang bahay sa Polk Street dahil kung tutuusin hindi na sila dapat pinapauwi kundi diretso nang inihahatid sa kulungan.
Natuwa ako sa nangyari dahil hindi naman nasayang ang pagod, pawis at gutom na naranasan ko sa aking pakikiisa sa pagkilos ng buong sambayanan. Ngunit para sa akin, ang People Power II na maituturing ay hindi lang ang naganap noon Jan 16-20. Ito lang ang nagging sukdulan ng pagkilos dahil dito nanggaling ang pinakamalakas na pressure para sa pagpapababa kay Erap.
Matagal nang nananawagan ng pagbabago ang sambayanan kaya hindi ko maihiwalay ang mga isinagawang pagkilos bago pa ng Jan 16-20 sa aking depinisyon ng People Power. Malaki ang nagging papel ng mga naunang pagkilos dahil naglahad ang mga ito ng batayan para sa pagpapatalsik kay Erap. Mga batayang hindi lamang nakabatay sa mga isiniwalat ni Singson at ng pangalawang envelope kung hindi mga konkretong batayan na ipinapakita ng mga taong nagpunta dito. Mga magsasakang humihingi ng tunay na reporma sa lupa, mga estudyanteng nananawagan para sa pagbibigay ng pangunahing halaga sa edukasyon, mga manggagawang humihingi ng tamang pasahod, at iba pa.
Sana nga lamang ay hindi masayang an gating ipinaglaban at huwag kakalimutan ni GMA ang sambayanang Pilipino na nagluklok sa kanya. Kahit na napalitan ang atin pangulo, nananatili pa rin ang problema ng sambayanang Pilipino. Ito ay nagpapatunay lamang na hindi pa tapos an gating ipinaglalaban kundi simula lamang ng isang mas mabigat na laban. Napatunayan na natin ang kapangyarihan mayron ang mga mamamayan at ang pagbabago na maaari nitong maidulot. Huwag sana natin itong kalimutang gamitin muli kapag hinihingi ng pagkakataon. Higit sa lahat, kailangan din nating malaman ang ating magagawa upang mabago ang umiiral na sistema sa lipunan.